Naarestong mag-asawa na umano’y miyembro ng ISIS, noong Enero pa nasa bansa- BI
Noong Enero pa nasa bansa ang banyagang mag-asawa na hinihinalang kabilang sa ISIS terrorist group.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, Enero ngayong taon nang dumating sa bansa sina Husayn al-Dhafiri at Rahaf Zina gamit ang working visa.
Nagbiyahe rin sa Davao at Cebu ang dalawa.
Apat na araw aniyang nanatili noon sa Davao ang mga dayuhan at tatlong araw naman sa Cebu bago bumalik sa Maynila.
Ayon naman sa NBI, nakatira sa high-luxury at modernong apartment sa Metro Manila ang dalawang dayuhan.
Samantala, sinabi pa ni Morente na ipinawalang-bisa na ng Kuwaiti government ang pasaporte ni al- Dhafiri.
Nabatid din na ilang beses bumiyahe sa Pilipinas si al -Dhafiri noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na hindi nila agad ibinalita ang pagkakadakip sa dalawa dahil binigyan sila ng mga ito ng numero ng isang tao na tatawagan sakaling sila ay mahuli.
Hindi naman aniya tinawagan ng mga otoridad ang numero dahil naniniwala silang signal ito sa iba para ituloy ang kanilang mga terroristic activities.
Patuloy pa rin aniyang inaalam kung may iba pang tao na sangkot sa mag-asawa.
Hindi pa rin tukoy kung konektado ang dalawa sa Abu Sayyaf at iba pang terror groups sa bansa.
Ulat ni: Moira Encina