KADAMAY posibleng gamiting front ng teroristang grupo- Sen. Trillanes
Nababahala si Senador Antonio Trillanes sa desisyon ni Pangulong Duterte na ibigay sa mga miyembro ng KADAMAY ang housing units na kanilang inokupa sa Pandi Bulacan.
Babala ni Trillanes, gagawin lang aniya itong taguan o kuta ng mga rebelde o komunista para makapagpalakas ng kanilang pwersa.
Nakatanggap siya ng impormasyon na ang KADAMAY ay front lang ng komunistang CPP-NPA-NDF.
“Nakaka-receive ako ng information from the security sector na itong KADAMAY ay front organization ng mga komunista. Kung totoo yan, may security implications yan kasi meron na silang isang community na sanctuary ng mga komunista. Kunyari ay NPA (New People’s Army) na papasok dun, wala na, hindi mo na makukuha. Meron na silang safe haven tapos malapit na yan sa Metro Manila”. –Sen. Trillanes
Mismong ang mga sundalo aniya na benipisyaryo ng naturang pabahay ang nagrereklamo.
May mga sundalo rin aniyang masama ang loob dahil marami na umanong miyembro ng komunistang grupo ang nabigyan ng posisyon sa gobyerno.
Kasalukuyang miyembro ng gabinete ang mga kilalang miyembro ng makakaliwang grupo na sina DSWD Secretary Judy Taguiwalo, Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano at Liza Maza ng National Anti Poverty Commission.
“Ang masama nito kasi, yung pabahay sa sundalo, kung totoo, bibigay mo sa kamunista so mabigat yan. Nakaka-receive ako ng mga grumblingssa mga hanay ng mga sundalo at opisyal na namamayagpag na ang mga komunista sa gobyerno ni Duterte”. –Sen. Trillanes
Hindi aniya malayong gayahin ng ibang grupo ng mahihirap ang pangugulo ng mga miyembro ng KADAMAY matapos silang paboran ng Pangulo.
Ulat ni: Mean Corvera