25 OFW’s mula sa Saudi na nakauwi na matapos makatanggap ng amnestiya , binigyan ng tulong ng OWWA
Nakatanggap ng tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration ang dalawamput-limang OFW’s na nakabalik na ng bansa matapos bigyan ng amnestiya ng Kingdom of Saudi Arabia.
Ang 25 pinoy ay bahagi ng unang grupo sa inaasahang limanglibong OFW’s na sumailalim sa siyamnapung-araw na amnestiya ng Saudi.
Kabilang sa mga tulong sa kanila ay airport assistance, pscyho-social counseling/stress debriefing at medical referral.
Pansamantala silang pinatutuloy sa OWWA halfway home habang isinasaayos pa ang transportasyon ng mga OFW’s pauwi sa kani-kanilang probinsiya.
Ang mga umuwing OFW na miyembro naman ng OWWA ay nakatanggap ng non-cash livelihood package na nagkakahalaga ng 10,000 pesos na may kasamang starter kit sa ilalim ng Balik-Pinas! Balik-Hanapbuhay! Program.
Handa rin ang Department of Labor and Employment na magbigay tulong sa mga umuwing OFW’s para sa posibleng trabaho dito o sa ibang bansa, livelihood assistance, serbisyong legal, competency assessment at training assistance
Ulat ni: Moira Encina