Programa na magpapabilis sa internet connectivity, ipinamamadali ng isang Senador sa gobyerno
Umapela si Senador Sonny Angara sa gobyerno na paspasan ang mga programa na magpapabilis sa internet connectivity lalo na sa mga malalayong mga probinsya at mga barangay.
Ito’y para makalikha ng online jobs sa pamamagitan ng mga ITbusiness process management industry at makahikayat ng mga mamumuhunan para magtayo ng mga Business Process Outsourcing o BPO’s.
Iginiit ni Angara na dapat mabigyan rin ng oportunidad ang mga nasa lalawigan at hindi na kailangang magtungo pa sa Metro Manila o Cebu para makakuha ng mga online job.
Noong 2013 itinatag ang rural impact sourcing program pero hindi pa rin makahikayat ng mas maraming investors dahil sa mabagal na internet connectivity.
Sinabi ni Angara na sa ilalim ng 2017 National budget, naglaan na ang Kongreso ng 22.5 million pesos para sa rural impact sourcing program sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology o DICT.
Bukod pa rito ang 1.8 billion pesos para sa Juan konek o free WIFI sa lahat ng government offices para mapabilis ang mga transaksyon.
Ulat ni : Mean Corvera