Metro Manila at ilang bahagi ng bansa, uulanin ayon sa PAGASA
Maagang nakaranas ng pag-ulan ngayong araw ang ilang bahagi ng Metro Manila.
Sa ipinalabas na abiso ng PAGASA, mula pasado alas singko ng umaga, apektado ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang North Caloocan, Valenzuela, Navotas at Quezon City.
Naapektuhan rin ng pag-ulan ang San Antonio at Subic Zambales at ang mga bayan ng Morong, Bagac at Mariveles Bataan.
Ayon sa PAGASA, apektado pa rin ng habagat ang Western section ng Northern at Central Luzon.
Batay sa forecast ng PAGASA, makararanas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang Ilocos Region at mga lalawigan ng Zambales at Bataan.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin naman na mayroong isolated rainshowers o thunderstorms ang mararanasan sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa.