Basketball at volleyball players, walang maitutulong para gumanda ang imahe ng BOC – Rep. Nograles
Walang maitutulong ang mga kinuhang basketball at volleyball players para luminis ang imahe ng Bureau of Customs.
Sinabi ito ni PBA Partylist Rep. Jericho Nograles matapos mabunyag na may 28 mga dating atleta ang kinuha ni BOC Commissioner Nicanor Faeldon bilang mga technical assistants.
Naniniwala si Nograles na nabigyan ng ‘ill advice’ si Faeldon sa pagkuha ng mga retiradong basketball player at volleyball player para iangat ang imahe ng BOC dahil kahit mga sikat at aktibong artista pa ang kinuha nito ay hindi pa rin malilinis ang ahensya sa katiwalian.
Naniniwala rin si Nograles na babagsak sa Commission on Audit ang ₱50,000 na ipinapasuweldo nito sa kanyang mga kinuhang technical assistant sa kanyang tanggapan at intelligence officers na pawang mga players.
Itinuturing din ng Kongresista na ilegal ang pagpapasuweldo ni Faeldon ng ₱50,000 kada-buwan sa mga kinuhang mga players.