Taguba, inaming nagbigay ng tara sa kaibigan ni Davao Vice Mayor Paolo Duterte
Inamin ng Customs broker na si Mark Ruben Taguba, na nagbigay ito ng limang milyong pisong tara o lagay sa kaibigan at handler ni Davao Vice Mayor Paolo Duterte para makalusot ang kaniyang mga shipment sa Bureau of Customs.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee sa nangyaring smuggling ng 600 kilos ng shabu, mula sa China, sinabi ni Taguba na una niyang nilapitan ang isang Jojo Bacud pero inirefer siya sa isang Tita Nani.
Si Tita Nani ang nagpakilala sa kanya kay Small at Jack na kapwa miyembro ng Davao group pero kinailangan niyang magbayad ng limang milyong piso bilang “enrollment fee” sa lahat ng kaniyang transaksyon para hindi masita o malagay sa red alert ang kaniyang mga shipment.
Sa salaysay ni Taguba, January 11 ngayong taon nang utusan siya ng isang Tita Nanie na magtungo sa Davao para personal na iabot ang limang milyong pisong enrollment fee kay Davao Councilor Nilo “small” Abellera Jr, na matalik umanong kabigan ni Paolo Duterte.
Isinumite pa ni Taguba sa Senado ang kopya ng palitan nila ng text messages ni tita nanie kung saan binabanggit ang mga pangalang Paolo at pulong.
Nang ipakita ni Senador Antonio Trillanes ang litrato ni Abellera, kinumpirma ni Taguba na ito ang inabutan niya ng pera.
Kasama nila sa meeting noon ang isang Tita Nani at isang alyas Jack na umano’y handler ni Paolo pero hindi niya nakita ang Vice Mayor.
Bukod sa limang milyong piso, tinokahan siya ng Davao group ng sampung libong piso kada container van.
Dahil umaabot aniya sa isandaang containers ang naipapasok niyang kargamento, umaaabot sa isang milyong piso ang ibinibigay niyang lagay sa Davao group.
Sabi ni Taguba, matapos ang tatlong buwang pagbibigay ng tara sa Davao group, nasisita na ang kaniyang mga kargamento.
Hinala niya hindi na nakakarating ang ibinibigay niyang lagay.
Ito ang dahilan kaya pumasok siya sa ikatlong grupo para protektahan ang kaniyang negosyo sa Customs.
Kinabibilangan aniya ito ng grupo ni Tita Nani at isang Colonel
Allan Capuyan alyas Brig. Brother na miyembro ng PMA Class 1983.
Ulat ni: Mean Corvera