Legal team ni Supreme Court Chief Justice Sereno, humiling na makapag-cross-examination sa impeachment proceedings
Muling humirit ang legal team ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na makapagsagawa ng cross-examination sa impeachment proceedings.
Ito ay matapos muling sumulat ang kampo ni Sereno kay Occidental Mindoro Representative Reynaldo Umali na siyang chairman ng komite upang igiit na pagbigyan ang kahilingan ng akusado na makompronta at ma-cross examine ang mga testigo sa impeachment complaint laban sa kanya.
Ayon kay Attorney Josalee Deinla, tagapagsalita sa impeachment case ni Sereno, ginagarantiyahan ng konstitusyon ang karapatang ito ng akusado at wala namang nakasaad sa impeachment rules ng kongreso na bawal magsagawa ng cross-examination sa mga testigo ang kaniyang legal team.
Iginiit naman ni Kabayan patylist Representative Harry Roque na dapat sundin ni Sereno ang rules ng kamara.
Ayon kay Roque, walang katuturan ang sinasabi ni Sereno na maaaring magsalita para sa kaniya ang mga abugado nito dahil hindi naman hukuman ang komite at isang inquest proceedings ang gagawin kaya hindi kailangang magsalita ng kaniyang mga abugado.
Inihalimbawa pa nito ang kaniyang sarili na napalabas sa isang senate proceedings noon ng tangkain niyang magsalita bilang counsel.
Aminado ang legal team ng punong mahistrado na wala pa silang natatanggap na imbitasyon mula sa komite.
Ulat ni Eden Santos