Kautusan ni Pangulong Duterte na huwag tatanggap ng tulong sa EU hindi makaaapekto sa rehabilitasyon ng Marawi City – Malacañang
Naniniwala ang Malakanyang na hindi makakaapekto sa rehabilitasyon ng Marawi City ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi tatanggap ang Pilipinas ng anumang tulong o grants mula sa European Union.
Sa briefing sa Malakanyang sinabi ni Assistant Secretary Kristopher James Purisima Spokesman ng Task Force Bangon Marawi na marami naman ang bansang tumutulong para ibangon ang Marawi kasama narin ang mga international financial institutions na kinabibilangan ng World Bank at Asian Development Bank.
Ayon kay Purisima sa ngayon mayroong limang bilyong pisong inisyal na pondo na ginagamit sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Inihayag ni Purisima na magpupulong ang Task Force Bangon Marawi Financial Sub Committee para magkaroon ng general assessment kung magkano ang kabuoang pondong kakailanganin para ibangon ang Marawi City na sinira ng digmaan sacpagitan ng tropa ng pamahalaan at mga teroristang Maute group.
Ulat ni Vic Somintac