Oral arguments sa mga petisyon laban sa one -year extension ng batas militar sa Mindanao sinimulan na ng Korte Suprema
Sinimulan na ng Korte Suprema ang oral arguments sa mga petisyon na humihiling na ipatigil ang isang taong extension ng batas militar sa Mindanao.
Unang sumalang ang panig ng mga petitioners kung saan binigyan sila ng tatlumpung minuto para sa kanilang opening statement.
Ayon kay Albay representative Edcel Lagman, labag sa konstitusyon ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao dahil sa walang aktuwal rebelyon kaya walang sapat na batayan.
Ipinunto naman ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares na hindi malayong magkaroon ng 24/7 na batas militar sa buong bansa dahil sa one -year extension ng martial law sa Mindanao nang walang rebelyon.
Iginiit naman ni dating Comelec Chairman Christian Monsod na batay mismo kay Joaquin Bernas, isang constitutionalist, ang pagpapatupad ng martial law ay limitado lang sa panahon ng gyera kung saan hindi na nakapag-ooperate ang civilian court.
Tinukoy naman ni dating solicitor general florin Hilbay ang mga elemento ng martial law kung saan nangingibabaw ang hurisdiksyon ng militar mula sa civilian population sa panahon ng digmaan at may pangangailangan na protektahan ang publiko.
Sinabi pa ng mga petitioners na ang patuloy na pag-aaklas ng CPP-NPA ay hindi maituturing na banta sa soberanya at maaring tugisin ng gobyerno kahit walang martial law.
Ulat ni Moira Encina