Malakanyang nagdeklara ng giyera laban sa fake news
Idineklara na ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang giyera kontra sa fake news, disinformation at misinformation.
Sa paglulunsad ng National Information Convention sa Davao City hinimok ni Andanar ang tinatayang 1,600 information officers ng mga ahensiya ng pamahalaan na makiisa sa war versus fake news.
Sinabi ni Andanar dapat bumaba sa grassroots level o sa mga mahihirap na lugar upang makontra ang mga nagpapakalat ng fake news.
Inihayag ni Andanar na ang mga information officers ang pag-asa ng pamahalaan para maiparating sa taumbayan hanggang sa mga liblib na lugar ang tamang impormasyon partikular sa mga serbisyo at repormang ginagawa ng Duterte administration.
Inihalimbawa ni Andanar ang fake news laban kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go na nakialam umano sa frigate deal ng Philippine Navy gayung matagal na itong naaprubahan sa ilalim pa ng Aquino administration.
Nanawagan din si Andanar sa private media entities na makipagtulungan sa pamahalaan sa pagsugpo ng fake news at disinformation.
Kasabay nito ay inilunsad sa Davao ang DU30 applicatiom na isang media platform na kayang ma-access ninuman ang mga programa at aktibidad ng administrasyon.
Ulat ni Vic Somintac