Office of the Solicitor General, nanindigang maaaring gamitin ang Quo Warranto proceeding laban sa isang impeachable officer gaya ni Chief Justice Sereno
Nanindigan ang Office of the Solicitor General o OSG na maaaring gamitin laban sa isang impeachable officer gaya ni on-leave Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang Quo Warranto proceedings para mapatalsik ito sa puwesto.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida, ito ay batay sa mga naunang desisyon o jurisprudence ng Supreme Court.
Isa na rito ang sa kaso ng Funa vs. Villar kung saan isinaad sa desisyon na puwedeng gamitin ang Quo Warranto laban sa impeachable officer.
Sa nasabing kaso, kinuwestyon ni Atty. Dennis Funa ang Constitutionality ng appointment ni Reynaldo Villar bilang Chair ng Commission on Audit na idineklarang unconstitutional ng Supreme Court.
Aniya, hindi ibinasura at dinesisyunan pa ng SC ang petisyon ni Funa kahit si Villar ay impeachable officer at kahit nagbitiw sa puwesto.
Bukod dito, pinagtibay din aniya ng Korte Suprema ang Quo warranto proceeding sa isang impeachable officer batay sa ruling nito sa kaso ng Nacionalista Party vs. Vicente De Vera kung saan kinuwestiyon ang pagkakatalaga kay De Vera bilang Comelec Chairman noong taong 1949.
Tinukoy aniya ng SC sa nasabing kaso na “quo warranto” at hindi prohibition ang akmang remedyo na dapat gamitin sa pagkuwestiyon sa validity ng pagkahirang sa Comelec Chair na isang impeachable officer.
Ulat ni Moira Encina