Napatalsik na dating Chief Justice Sereno, ipinapawalang-bisa sa Korte Suprema ang show cause order laban sa kaniya
Hiniling ng napatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Korte Suprema na ipawalang-bisa at isantabi ang show cause order na inisyu laban sa kanya dahil sa paglabag sa sub judice rule at paninira sa mga kapwa niya mahistrado.
Sa kanyang sagot sa show cause order ng Supreme Court, iginiit ni Sereno na karapatan niya na ipagtanggol ang sarili laban sa quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General at sa anim na aniya’y bias na Mahistrado.
Katwiran ni Sereno kailangan niyang idipensa ang sarili sa mga pag-atake at walang basehang akusasyon laban sa kanya sa media.
Partikular na tinukoy ni Sereno ang paninira sa kanya at pagtalakay sa merito ng quo warranto case sa media ni Solicitor General Jose Calida.
Hindi anya siya maaring sisihin sa pagpaliwanag ng kanyang panig sa publiko dahil sa pagtanggi ng Kamara na ma-cross examine ang mga testigo laban sa kanya sa impeachment proceedings.
Bukod dito ay napagkaitan din anya siya ng karapatan na marinig ng proper tribunal nang tumangging mag-inhibit ang anim na justices na inakusahan niyang bias.
Dahil sa mga ito ay hindi anya makatwirang asahang manahimik lang siya sa pagatake sa kanyang integridad.
Tinawag din ni Sereno na unjust kung paparusahan siya dahil sa pagsasalita sa publiko habang dinidinig ng hukuman ang quo warranto case laban sa kanya.
Ulat ni Moira Encina