Supreme Court Justice Samuel Martires itinanggi na ipinahiya niya si Sereno ukol sa isyu ng pananampalataya at umano’y mental illness nito
Sinagot ni Supreme Court Associate Justice Samuel Martires ang oposisyon na inihain sa kanya ng grupo ng mga paring Katoliko at pastor laban sa kanyang aplikasyon sa posisyon ng Ombudsman.
Sa pagsalang ni Martires sa public interview ng Judical and Bar Council, itinanggi ng mahistrado ang paratang sa kanya ng grupo na nanghiya siya ng tao partikular ng babae sa publiko man o pribadong pag-uusap ukol sa relihiyon nito.
Nilinaw pa ni Martires na hindi niya intensyong noon sa Quo warranto oral arguments ng Korte Suprema na ipahiya o palitawing may sakit sa pagiisip ang napatalsik na Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno dahil sa madalas na pagbanggit nito ng Panginoong Diyos.
Katunayan anya ang layon niya ay idipensa si Sereno dahil naniniwala siya na walang masama kung malimit banggitin ng isang tao ang Diyos sa bawat minuto ng buhay nito.
Minsan na rin anya siyang nakipagtalo sa isang mamamahayag dahil sa pagtatanggol kay Sereno kaugnay sa resulta ng kanyang psychiatric examination.
Samantala, inihayag ni martires na hindi siya maghahain ng aplikasyon para sa pwesto ng Chief Justice dahil hindi mabuti sa isang tao na maging masyadong ambisyoso.
Ulat ni Moira Encina