Draft ng Federal Constitution, naisumite na sa Senado
Naisumite na ng Consultative Committee sa liderato ng Senado ang draft ng panukalang Federal Constitution.
Mismong si dating Chief Justice Reynato Puno, chair ng Concom ang nagsumite ng dokumento kay Senate President Vicente Sotto III.
Pero ayon kay Sotto, hihintayin pa rin nila ang official transmission mula sa Malacañang na inaasahang i-eendorso sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address.
Inamin ni Sotto pinakiusapan sya ng Pangulo kahapon na bilisan ang proseso para agad makabuo ng transitional commission para sa Federalismo.
Sabi ni Sotto susubukan nilang isingit ito sa kanilang agenda kahit pa inaasahang magiging abala ang senado sa pagtalakay sa panukalang budget at iba pang nakalinyang agenda ng Senado.
Ayon kay dating Senate President Aquilino Nene Pimentel, isa sa mga miyembro ng Concom, ang Federal constitution ang inaasahang sagot sa mga problemang kinakaharap ng bansa.
Sa ilalim aniya ng Federal constitution, Constituent assembly ang gagawing anyenda dahil bukod sa mas matipid ito ang pinakamabilis na proseso.
Ulat ni Meanne Corvera