Korte Suprema inatasan ang DBM na bayaran ang backwages ng 28 retiradong justices ng Court of Appeals
Pinaboran ng Korte Suprema ang petisyon ng 28 retiradong mahistrado ng Court of Appeals na bayaran ng Department of Budget and Management ang kanilang backwages na bunga ng Salary Standardization Law.
Ang petisyon ay inihain sa Supreme Court ng Association of Retired Court of Appeals Justices Inc. laban sa DBM matapos ibasura ang kanilang hirit na recomputation sa kanilang retirement gratuities at differentials dahil sa salary increase bunga ng implementasyon ng Salary Standardization Law 2 at 3 sa pagitan ng 2007 at 2011.
Sa desisyon na isinulat ni Justice Presbitero Velasco Jr bago sya magretiro, inatasan ang DBM na agad magisyu ng special allotment order o SARO para sa mga retired CA Justices.
Aabot sa mahigit 23 million pesos ang hinahabol na retirement gratuities at differentials ng mga petitioners.
Ayon sa Supreme Court, ang pagtanggi ng DBM na bayaran ng claims ng mga retired CA justices ay grave abuse of discretion.
Tinanggihan ng budget department ang hiling ng mga nagretirong mahistrado dahil sa dapat daw magmula sa Special Allowance for the Judiciary ang kanilang claims at hindi sa Pension and Gratuity Fund ng pamahalaan.
Ulat ni Moira Encina