Kampo ni Sen Trillanes, pinagkukomento ng Makati RTC Branch 148 sa motion for partial reconsideration ng DOJ
Nagsagawa ang Makati RTC Branch 148 ng pagdinig sa inihaing apela ng DOJ laban sa desisyon nito na ibasura ang kanilang mosyon na ipaaresto si Senador Antonio Trillanes IV.
Kaugnay nito, iniutos ni Branch 148 Judge Andres Soriano sa kampo ni Trillanes na maghain ng oposisyon o komento sa inihaing motion for partial reconsideration ng DOJ.
Binigyan ng hukuman ang senador ng 15 araw mula October 25 para magsumite ng komento.
Mayroon namang limang araw ang DOJ para maghain ng reply o sagot kapag matanggap ang kopya ng komento ni Trillanes.
Sa oras na maisumite ang lahat ng kinauukulang pleadings ay idideklarang submitted for resolution na ang apela ng DOJ.
Sa pagdinig, inihayag ng abogado ni Trillanes na si Rey Robles na ikinukonsidera rin nila na maghain ng motion for partial reconsideration para kwestyunin naman ang pagpapatibay ng korte sa legalidad ng Proclamation 572 ni Pangulong Duterte na nagpapawalang-bisa sa kanyang amnestiya.
Ulat ni Moira Encina