Kampo ni dating Senador Bongbong Marcos nanawagan sa Supreme Court na aksyunan na ang election protest sa resulta ng eleksyon sa pagka-bise presidente noong 2016

Muling kinalampag ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos ang Korte Suprema na aksyunan na ang kanilang naunang mosyon na ipagutos sa Comelec na isumite ang resulta ng technical examination sa boto noong 2016 sa mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur at Maguindanao na nagpapatunay daw ng malawakang electoral fraud doon.

Ito ay kaalinsabay ng ika-isanglibong araw matapos na isampa ng panig ni Marcos ang electoral protest sa resulta ng halalan sa pagka-bise presidente noong June 29, 2016.

Ayon sa abogado ni Marcos na si George Garcia, sa kanilang inihaing mosyon, hiniling nila muli sa Supreme Court na atasan ang Comelec na isumite ang findings nito sa technical examination sa mga election returns at election day computerized voters’ list na isinagawa sa Basilan, Lanao del Sur at Maguindanao.

Batay anya sa nasabing technical examination, nabatid ng Comelec- Election Record and Statistics Department na nagkaroon ng malawakang dayaan sa eleksyon sa tatlong ARMM provinces dahil sa peke ang lagda ng 49 percent o mahigit 40 thousand na bumoto sa 508 presinto sa mga nasabing lalawigan.

Sinabi ni Garcia na mahalaga na mabigyan ang Supreme Court ng kopya ng nasabing resulta at mapasama ito sa pagresolba sa protesta dahil sakop ng kanilang election protest ang mga presinto na isinailalim sa technical examination.

Kaugnay nito, nais din ng kampo ni Marcos na atasan ang poll body na magsagawa ng technical examination sa mga kabuuang 2756 clustered precincts sa tatlong probinsya.

Nanawagan din muli ang kampo ni Marcos sa Supreme Court na imbestigahan ang mga Chairmen at member ng Board of Election Inspectors sa Lanao Del Sur, Basilan at Maguindanao para madetermina ang kanilang partisipasyon sa malawakang substituted voting.

Ulat ni Moira Encina

Mga kampo ni dating Senador Bongbong Marcos, umapela sa Korte Suprema na aksyunan na ang election protest kaugnay sa resulta ng halalan sa pagka bise presidente noong 2016
Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *