Senador Leila de Lima, naghain na ng kanyang counter-affidavit para kasong sedisyon laban sa kanya kaugnay sa Project Sodoma
Nagsumite na ng kanyang kontra-salaysay sa DOJ ang nakakulong na si Senador Leila de Lima para sa reklamong Inciting to Sedition na inihain laban sa kanya kaugnay sa Project Sodoma at Ang Totoong Narcolist videos.
Sa pitong pahinang counter-affidavit, itinanggi ni De Lima na may partisipasyon at may alam siya sa planong pagpapabagsak sa pamahalaang Duterte.
Ikinatwiran ni De Lima na nakakulong siya sa PNP at ipinagbabawal ang mga communication devices sa loob ng custodial center kaya hindi siya maaring idawit sa mga krimen.
Ipinunto pa ni De Lima na sa sinumpaang salaysay ni Peter Joemel Advincula ay walang partikular na alegasyon laban sa kanya.
Katunayan isang beses lang aniya nabanggit ang kanyang pangalan sa salaysay ni Advincula at hindi naman tinukoy kung ano ang partikular na partisapasyon niya sa destabilization plot.
Sa salaysay ni Advincula, binanggit nito ang isang Atty Fhillip Sawali alyas Atty. Fil na staff daw ni De Lima na isa sa mga nakausap nina Bikoy ukol sa planong pagpapabagsak sa Duterte administration.
Inamin ni De Lima na Chief of Staff niya si Sawali pero hindi niya ito kilala sa palayaw na Atty fil.
Ayon pa sa Senadora, hindi rin niya mapapatunayan na ang Atty. Sawali sa reklamo ay ang kanya talagang Chief of Staff.
Iginiit pa ni De Lima na walang siyang personal knowledge sa mga nakasalamuha ni Atty Fil.
Ang counter-affidavit ay pinanumpaan ni De Lima sa miyembro ng DOJ Panel na si Assistant state prosecutor Michael John na humarang na nagtungo sa PNP Custodial Center noong Lunes, September 9.
Ulat ni Moira Encina