Isang bata, pinaniniwalaang namatay dahil sa Diphtheria sa Maynila
Kinumpirma ng Manila Health Department na isang 10- taong gulang na bata ang nasawi dahil sa hinihinalang kaso ng Diphtheria.
Ayon kay Dr. Edgar Santos, hepe ng Special Operations ng Health Department ng Maynila, sa ngayon ay patuloy pa rin nilang hinihintay ang resulta ng kumpirmasyon mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) mula sa swab sample sa bata.
Ayon kay Josefina De Guzman, school nurse ng Zamora Elementary school, ang nasabing Grade 4 student ay unang nakaranas ng ilang araw na lagnat.
Ang inisyal na sinabi aniya ng ospital na ikinamatay ng biktima ay dahil sa Diptheria pero inaantay pa ang kumpirmasyon ng RITM.
Pero bagamat di pa tiyak sinelyuhan na rin umanong mabuti ang bangkay at kabaong ng bata.
Ang mga kamag aral at maging pamilya ng bata ay binigyan na ng Prophylaxis.
Maging ang buong eskwelahan ay nilinis na rin aniya at dinisinfect.
Ayon kay Ginang De Guzman, wala umanong bakuna ang bata kontra sa Diptheria.
At dahil mabilis kumalat ang balita maraming magulang naman ang natakot na papasukin ang kanilang mga anak habang ang ibang bata naman nakasuot ng face mask sa kanilang pagpasok sa paaralan.
Ilan sa sintomas ng diptheria ay lagnat, pamamaga ng lalamunan o sore throat at panghihina.
Dagdag pa ni Santos, sa Maynila ay matagal na umanong walang naitatalang kaso ng diptheria.
Ulat ni Madz Moratillo