Grupong Akbayan hiniling sa Korte Suprema na ipa-contempt ang DENR dahil sa pagtambak ng dolomite sand sa Manila Bay
Iniakyat na rin sa Korte Suprema ng isang militanteng grupo ang isyu sa pagtambak ng dolomite sand sa Manila Bay.
Sa kanilang motion-in-intervention, hiniling ng Akbayan Citizen’s Action Party sa Supreme Court na patawan ng contempt ang DENR dahil sa paggamit ng pekeng white sand sa Manila Bay Walk bilang bahagi ng pagpapaganda sa lugar.
Iginiit ng grupo na direktang paglabag sa continuing mandamus na inilabas ng Korte Suprema noong 2008 ang ginawa ng gobyerno.
Sa nasabing desisyon ng SC, inatasan nito ang DENR at iba pang ahensya na i-rehabilitate ang Manila Bay.
Pero, katwiran ng grupo ang artificial beach enhancement project ay hindi parte ng Manila Bay Sustainable Development Master Plan.
Nilinaw ng Akbayan na pabor sila na linisin ang Manila Bay pero dapat ito ay isagawa sa tamang paraan at hindi mapanganib sa tao at kalikasan.
Kaugnay nito, nanawagan din ang Akbayan sa Supreme Court na i-convene ang Manila Bay Advisory Committee na pinamumunuan ni Chief Justice Diosdado Peralta para imbestigahan at alamin ang epekto ng dolomite sand sa kalusugan ng tao at kalikasan.
Sinabi pa ng grupo na mas mabuting inilaan na lamang ang 389 million pesos na pondo sa proyekto para sa mga government hospitals at workers ngayong may Covid crisis lalo na’t may kapangyarihan ang Pangulo na mag-realign ng budget.
Moira Encina