Iriga City Hall of Justice inilagay sa lockdown matapos magpositibo sa Covid-19 ang apat na court employees
Ipinag-utos ang pisikal na pagsasara ng Iriga City Hall of Justice matapos magpositibo sa Covid-19 ang apat na kawani ng Hukuman.
Sa memorandum mula sa Office of the Executive Judge ng Iriga City Regional Trial Court, sinabi na naka-lockdown hanggang sa October 31 ang Iriga City Hall of Justice para sa isasagawang intensive disinfection at contact tracing.
Nagpositibo sa virus ang apat na court personnel ng Iriga City RTC Branch 35.
Una silang nakitaan ng sintomas ng sakit noong October 16 at na-swab test noong October 20.
Kaugnay nito, inatasan ang lahat ng hukom at mga empleyado ng mga Korte na mahigpit na sundin ang Home quarantine at magsagawa ng contact tracing sa lahat ng mga nakasalamuha nila sa nakaraang 14 na araw.
Moira Encina