Alok na tulong ng Chinese Gov’t sa Pilipinas para sa pagbili ng anti-Covid-19 vaccine, nanatili-Malakanyang
Tiniyak ni Philippine Ambassador to China Chito Sta Romana na nanatili ang pangakong tulong ng Chinese government sa Pilipinas para makabili ng anti COVID 19 vaccine na Sinovac at Sinopharm.
Sinabi ni Ambassador Sta Romana na bagamat nagbigay na ang Chinese government ng Emergency Use Authorization para sa Sinovac at Sinopharm ang hinihintay na lamang ang Authorization for General use.
Kaugnay nito inihayag ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na tuloy-tuloy ang pakikipagnegosasyon ng Pilipinas sa Sinovac at inaasahan na bago matapos ang buwang kasalukuyan ay maisasara ang usapan.
Ayon kay Galvez sa sandaling maisara ang negosasyon sa Sinovac inaasahan na sa unang quarter ng susunod na taon ay makakabili na ang bansa ng 25 milyong doses ng Chinese anti COVID 19 vaccine.
Sinabi ni Galvez na pasado sa criteria na gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Sinovac na ligtas, mabisa at mura ang presyo kumpara sa anti COVID 19 vaccine na gawa sa United Kingdom at Amerika.
Niliwanag ni Galvez na hindi lang Sinovac ang bibilhin ng Pilipinas dahil tuloy parin ang negosasyon sa siyam pang Pharmaceutical Companies na kinabibilangan ng Gamalea Sputnik V ng Russia, Pfizer ng Amerika at AstraZeneca ng United Kingdom.
Vic Somintac