Publiko, binabalaan ng DFA sa pagkuha ng passport appointments sa social media
Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko laban sa pagkuha ng passport appointments sa mga indibidwal sa Facebook groups at iba pang media chat groups.
Ang babala ay ginawa ng DFA matapos makatangap ng mga ulat tungkol sa mga aplikante na nag-book ng passport appointments sa tulong ng mga hindi kilalang indibidwal online, na nagbayad ng higit kaysa kinokolekta ng ahensya para sa passport issuance.
Ayon sa DFA, may ilan na nakatanggap ng tampered application forms at/o hindi tamang instructions, gaya ng advice na ituloy ang kanilang appointment sa isang schedule o Consular Office na iba kaysa aktwal na appointment schedule at site.
Paalala ng DFA, ang passport appointments ay pwedeng i-book nang direkta sa https://passport.gov.ph.
Pinapayuhan din ang mga aplikante na gamitin ang sarili nilang email address at mobile number para matiyak na matanggap nila ang tamang impormasyon sa kanilang appointment schedule at matanggap ang application packet na kanilang ipakikita sa panahon ng kanilang appointment.
Dagdag pa ng DFA, dahil ang passport appointment slots ay limitado dahil sa binawasang bilang ng mga taong pinapayagang makapasok sa loob ng consular office para masunod ang social distancing protocols, ang mga aplikanteng may urgent travel requirements, gaya ng OFWs ay maaaring mag-email sa [email protected] para ma-accomodate sila sa DFA Aseana, o sa pinakamalapit na Consular Office sa pamamagitan ng direktang pagpapadala via email ng isang appointment request sa concerned office.
Sinabi pa ng foreign affairs department, na ang mga aplikante na meron nang appointment sa isang hird party, pero may duda sa authenticity ng kanilang application, ay maaaring tumawag sa appointment hotline at 8234 – 3488 para i-verify ang kanilang appointments.
Liza Flores