Pilipinas, magpapatupad na rin ng travel ban sa People’s Republic of China, 4 na iba pang bansa dahil sa new COVID-19 variant
Nadagdagan pa ng limang bansa ang 28 bansa na may travel ban ang Pilipinas dahil sa new variant ng COVID-19 na nagmula sa United Kingdom at South Africa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pinagtibay na ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang pagpapatupad ng travel ban sa mga bansang Peoples Republic of China, Pakistan, Luxemberg, Jamaica at Oman.
Ayon kay Roque epektibo alas 12:01 ng January 13 hanggang January 15 ay bawal ng pumasok sa Pilipinas ang mga dayuhan na manggagaling sa mga nabanggit na bansa.
Samantalang ang mga Pilipino naman ay papapasukin sa bansa subalit sasailalim sa mahigpit na health protocol kasama rito ang swab test at 14 day quarantine period kahit negatibo ang kanilang COVID 19 test result.
Inihayag ni Roque, nasa 33 bansa na ang mayroong travel ban ng Pilipinas upang maagapan ang pagpasok sa bansa ng new variant ng COVID 19 na natuklasan sa United Kingdom at South Africa na sinasabing mas mabilis kumalat.
Vic Somintac