PRC, nagsagawa ng pilot testing ng Saliva RT-PCR test
Ipinakita na ng Philippine Red Cross sa publiko ang paraan ng Saliva RT-PCR testing para malaman kung ang isang tao ay positibo sa Covid-19.
Sa pilot testing, ipinakita ni Senador Richard Gordon kung gaano kadali ang proseso ng Saliva test.
Kailangan lamang maglagay ng laway sa isang maliit na vial sa pamamagitan ng straw.
Sen. Richard Gordon:
“Lalagyan ng barcode ang vial para sa pagkakakilanlan ng sinumang nagpasuri saka ito ibibigay sa technician. 1 ml lang ang kailangang ilagay na laway. Ang mga magpapasuri ay hindi dapat nagmumumog o naninigarilyo sa loob ng 30 minuto bago ang pagsusuri. Matapos ang 3 oras ay maaari nang malaman ang resulta”.
“Mas mura, mas mabilis, at hindi na kailangan ng PPE. Pwede kayong puntahan sa bahay… good for senior citizens na takot lumabas sa bahay”.
Inirekomenda na ni Gordon sa Department of Health (DOH) ang ganitong proseso na ginagamit rin sa ibang bansa.
Mas mura aniya kaso ang Saliva testing na nagkakahalaga lamang ng P2,000 kumpara sa PCR test na aabot sa P3,500.
Hindi rin ito masakit dahil hindi na kailangang sundutin ng stick ang ilong para lamang makakuha ng sample.
Naniniwala ang Senador na mas mabilis ngayong matutukoy ang mga maaaring positibo sa virus at mai-isolate dahil mas mabilis ang saliva test.
95 porsiyento rin aniya ang accuracy test na ito gaya ng swab testing.
Pero nilinaw ng Red Cross, hindi pa nila ito gagamitin lalu na sa mga dumarating na Overseas Filipino Workers (OFWs) maliban na lamang kung maglalabas na ng approval ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA).
Hindi rin aniya ito para pagkakitaan ang Gobyerno kundi tumulong sa mabilis na pag-aasikaso sa maaaring biktima ng pandemya at hindi na makapanghawa.
Meanne Corvera