Hindi bababa sa 34, nasawi sa nangyaring lindol sa Indonesia
JAKARTA, Indonesia (AFP) — Hindi bababa sa 34 katao ang nasawi, habang daan daang iba pa ang nasaktan matapos tumama ang malakas na 6.2 magnitude na lindol, sa Sulawesi island sa Indonesia.
Sanhi nito ay nabitak ang mga daan, at bumagsak ang ilang mga gusali kabilang ang tanggapan ng gobernador, isang hotel at isang ospital na tuluyang gumuho.
Nangyari ang lindol kaninang alas-2:18 ng madaling araw, oras sa Indonesia.
Ayon sa United States Geological Survey, ang sentro ng pagyanig ay 36 na kilometro sa timog ng Mamuju at may lalim na 18 kilometro.
Ayon kay Ali Rahman, pinuno ng local disaster mitigation agency, hindi bababa sa 26 ang nasawi na pawang taga Mamuju city.
Aniya, ang bilang ay maaaring maragdagan pa subalit umaasa silang hindi na. Marami aniya sa mga namatay ay natabunan ng bumagsak na mga gusali.
Sa hiwalay namang ulat ng National Disaster Agency, hindi bababa sa walo ang namatay sa isang lugar sa timog ng Mamuju, isang syudad na may 110,000 populasyon sa West Sulawesi province.
Bunsod nito ay umabot na ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa 34.
Ang Indonesia ay malimit makaranas ng seismic at volcanic activity, dahil sa posisyon nito sa Pacific “Ring of Fire,” kung saan nagbabanggaan ang tectonic plates.
Noong 2018, isang 7.5-magnitude na lindol at tsunami sa Palu na nasa Sulawesi island din ang nangyari, kung saan higit 4,300 katao ang kung hindi nasawi ay nawala.
December 26, 2004 naman nang tumama ang 9.1-magnitude na lindol sa baybayin ng Sumatra, na naging sanhi ng tsunami na pumatay sa 220,000 katao sa buong rehiyon, kabilang ang nasa 170,000 sa Indonesia.
© Agence France-Presse