Napaulat na kanselasyon ng Tokyo Olympics, hindi totoo
TOKYO, Japan (Agence France-Presse) – Ibinasura ng Japan ang mga napaulat tungkol sa sinasabi umano ng mga opisyal, na hindi na maiiwasang kanselahin ang Tokyo Olympics.
Ayon kay Japanese Prime Minister Yoshihide Suga, determinado siyang ituloy ang olympics.
Sinabi ni Deputy government spokesman Manabu Sakai, na walang katotohanan ang lumabas na ulat na tumukoy sa isang hindi pinangalanang ruling coalition source, na nagsabing batay sa isang consensus, mahirap nang ituloy ang olympics.
Ang naturang ulat ang pinakabagong artikulo na nagdulot ng pagdududa kung matutuloy pa ba ang olympics, na una nang naipagpaliban dahil sa coronavirus.
Giit naman ni Suga, determinado siya na ituloy ang isang ligtas na Tokyo Games bilang katunayan na kayang mapagwagian ng sangkatauhan ang virus.
Ipinahayag din ng Games organisers na nakatuon na sila sa pagho-host ng olympics ngayong summer.
Bumangon ang mga pangamba matapos tamaan ng third wave infections ang Japan, at lumitaw din sa isang survey na 80 porsyento ng mga mamamayan doon ang tutol na maging host ng olympics ang kanilang bansa.
Subalit sinabi ni International Olympic Committee (IOC) president Thomas Bach, na walang anomang dahilan para hindi ituloy ang naka-schedule na olympics sa July 23, kung kaya wala silang inihandang plan B.
Nagdesisyon ang IOC na ipagpaliban ang olympics noong Marso ng nakalipas na taon, matapos ipahayag ng Australia at Canada na hindi sila magpapadala ng mga manlalaro sa Tokyo habang papalala ang pandemya.
Nitong Biyernes, sinabi ni Australian Olympic Committee CEO Matt Carroll na hindi na ulit sila magwi-withdraw, sa pagsasabing “tsismis” lang ang napapabalitang kanselasyon dahil matutuloy na ang Tokyo Games.
Sinabi pa ni Carroll, na maiiba ang olympics ngayong taon dahil magiging simple ito, at nakapokus lamang sa mga atleta at sa mga kompetisyon.
Ayon naman kay Tokyo 2020 CEO Toshiro Muto, matatag na ang pasya ng organising committee na ituloy ang olympics ngayong taon.
Nanawagan naman ang opposition lawmakers na ipagpaliban o kanselahin na ang Tolyo Games.
Nanawagan din ang Tokyo Medical Association, na gawin ang event “behind closed doors.”
Ayon sa chairman nito na si Haruo Ozaki, hindi na dapat mag-imbita ng mga tao mula sa iba’t-ibang bansa para saksihan ang mga laro, kundi dapat aniyang ikonsidera ang pagsasagawa ng mga laro nang walang live audience.
Liza Flores