Grupo ng mga retailers sa bansa, tinutulan ang panukalang batas na ibaba ang capitalization ng foreign investments sa retail trade
Umapela ang Philippine Retailers Association sa Kongreso na huwag ipasa ang panukalang batas na magbababa sa minimum capitalization ng foreign investment sa retail trade sa bansa.
Ayon kay Philippine Retailers Association Chairman Paul Santos, mula sa USD 2.5M ay gagawin na lamang na 300,000 USD ang foreign capitalization alinsunod sa panukala.
Ang nasabing panukalang batas na nagaamyenda sa Retail Trade Liberalization Act ay kasalukuyang dinidinig sa Senado.
Sinabi ni Santos na kapag pinagtibay ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay ang mga lokal na MSMEs ang kakalabanin ng mga banyaga at lubhang maaapektuhan.
Paliwanag pa ni Santos, kapag ibinaba ang foreign capitalization ay hindi ang malalaking dayuhang investors ang mahihikayat na mamuhunan kundi ang mga MSMEs foreign retailers.
Iginiit ng grupo na dapat suportahan at proteksyunan ng gobyerno ang mga maliit na business owners sa bansa.
Binanggit ni Santos na marami sa mga gobyerno sa Timog Silangang Asya ay may mga batas na nagpuprotekta sa mga maliliit na retailers at hindi pinapayagan ang ilang uri ng dayuhan investment sa retailing.
Moira Encina