Mga gustong magpabakuna, tumaas ang bilang sa Metro Manila
Hinahanap na rin ng ilang alkalde sa Metro Manila ang suplay ng bakuna.
Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, handa na sila para sa phase 2 ng vaccination program o pagtuturok ng bakuna sa mga senior citizens pero wala na silang suplay.
Kanina, isinagawa sa San Juan ang ikatlong batch ng pagbabakuna sa mga medical frontliners.
Aabot sa mahigit animnaraang medical frontliners ang binakunahan mula sa mga pribadong ospital, private clinic at city health office.
“Gaya ng ating mga kasamang Metro Manila mayors, handa na kami. Ang inaantay na lang suplay. Once we finished 629, utlitized na po. Ubos na ho. Para maka move on sa next level, kailangan matanggap yung suplay ng bakuna National Task Force, sana dumating na suplay namin”, pahayag ni Zamora.
Kinumpirma ng alkalde na mas dumami ngayon ang nagparehistro para magpabakuna kasabay ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Katunayan, aabot na sa 35,777 ang nagpalista sa kanilang vaccination roll out o katumbas ng 42 percent ng kabuuang bilang ng mga residente.
Tumataas aniya ang kumpiyansa ng publiko kapag may nangyayaring vaccination pero kailangan pa rin ang tamang impormasyon at edukasyon sa mamamayan.
Ayon pa sa alkalde, tumaas ang kaso ng nag-positibo sa COVID-19 sa kanilang siyudad kaya nilimtahan muna ang operasyon ng mga negosyo at paglabas ng mga tao.
Katunayan mula sa 63 COVID-19 casrs noong Marso, umaabot na ito ngayon sa 451 cases.
Sa Valenzuela, tuloy-tuloy rin ang pagbabakuna sa mga medical frontliners.
Katunayan, natapos nang maturukan ang may 85 percent ng mga medical practitioners sa nasabing lungsod.
Sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, ” Almost all wants to be vaccinated. For the workers in the major public and private hospitals – Almost 85 percent done for each. Ongoing as we speak”.
Ang problema ayon sa alkalde, patuloy rin ang paglobo ng mga kaso ng nagkakaroon ng COVID-19.
Umaabot na sa 750 ang mga bagong Kaso ng covid-19 kayat 60 percent na ng kanilang hospital bed capacity ang okupado.
Sa Caloocan, tuloy-tuloy rin ang pagbibigay ng bakuna sa mga medical frontliners.
Para maiwasan ang matindi pang hawaan ng virus, naglagay na sila ng libreng community swab testing sa Barangay 167 Sunriser covered court.
Hinihikayat rin nila ang publiko na agad magpa test kung may nararamdamang sintomas ng virus.
Meanne Crovera