Dalawang drug suspect, patay sa buy-bust operation sa Taytay, Rizal; Higit 100 milyong halaga ng shabu, nasabat
Tinatayang nasa 15 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng 102 milyong piso ang nasabat mula sa dalawang drug suspect sa Taytay, Rizal.
Napatay din ang dalawang suspect matapos makipagbarilan sa mga pulis.
Isa sa mga suspect ay nakilala bilang si alyas Alvin, na itinuturing na notorious illegal drug supplier sa Region 4A, NCR at mga kalapit na rehiyon.
Habang ang kasama nito ay hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan.
Ang buy-bust operation ay isinagawa ng pinagsamang puwersa ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG), Philippine Drug Enforcement Agency 4A, Rizal Police Provincial Office, Taytay Municipal Police Station at Bureau of Customs sa Highway 2000, Brgy. Sta. Ana Ext., Taytay, Rizal.
Narekober sa mga suspect ang 15 kilo ng shabu, isang Cefiro Sedan na may plate number na WPT 539 at dalawang fully-loaded 9mm pistol.
Ayon sa mga otoridad, si alias Alvin ay isa umano sa mga distributor ni Michael Lucas y Abdul na isa ring notorious drug distributor at kamakailan ay nadakip sa Town and Country Homes, Dasmariñas, Cavite.
Miyembro rin umano si alias Alvin ng isang drug group na konektado sa isang Chinese national na nakabase sa Hongkong na siyang nagbibigay sa kanila ng mga iligal na droga.