Sampung oras na brownout mararanasan sa Olongapo City
Makararanas ng 10 oras na walang kuryente ang kalakhang lungsod ng Olongapo sa darating na Lunes, ika-10 ng Mayo.
Ito ay matapos ipahayag ng Olongapo Electricity Distribution Co., Inc. (OEDC) sa kanilang mga kustomer, ang ipatutupad ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na power interruption sa darating na Lunes.
Layunin ng 10-oras na power interruption na bigyang daan ang Annual Preventive Maintenance ng NGCP sa kanilang Olongapo 50 MVA transformer No. 2 at iba pang associated equipment.
Ayon kay Ms. Ariane Bie, Costumer and Community Relations Officer ng OEDC, tatagal ng mahigit 10-oras ang power interruption na magsisimula ng ala-6:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Bagama’t inaasahan nila na mas maagang maibabalik ang kuryente, subalit naglagay pa rin sila ng buffer time para sa gagawing switching of loads.
Mayroon ding karagdagang 30 minutong brownout sa ganap na alas-11:30 ng gabi hanggang alas-12:00 ng hatinggabi, para naman sa replacement ng kanilang 3-units 230kV Current Transformer (CT) at 1-unit 69kV Bus Potential Transformer (PT) Load mula sa kanilang transformer No. 2 papunta sa kanilang transformer No. 3.
Ayon pa sa OEDC, mahalaga ang isasagawang preventive maintenance na ito, kaysa mabigla na lang ang lahat kung sakaling sa hindi inaasahang panahon ay masira ang mga transmission at distribution ng kuryente.
Isasabay na rin ng OEDC ang pagsasagawa ng hotspot correction at pagsasaayos ng kanilang mga istruktura sa iba’t-ibang lugar sa lungsod.
Bagama’t marami ang maaapektuhan ng nasabing brownout, nagpapasalamat naman ang ilang mamamayan na maagang naianunsiyo ang nasabing pagpapatay ng kuryente, upang mapaghandaan ang gagawin sa araw na iyon.
Ulat ni Sandy Pajarillo