Publiko pinag-iingat sa pagpasok ng Indian variant na virus
Nagbabala sa publiko si Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go laban sa pinangangambagang pagkalat ng Indian variant ng COVID-19 na itinuturing ngayong “variant of concern”.
Paalala ng Senador, alam ng publiko ang nangyayari sa India ngayon kung saan ay halos bumagsak na ang healthcare system dahil sa mabilis na pagdami ng COVID-19 cases.
Dahil dito hindi aniya dapat maging kampante ang mga filipino at dapat pairalin ang lahat ng disiplina at kooperasyon sa gobyerno para hindi na dumami pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa at maiwasan na matulad ang Pilipinas sa India.
Kailangan aniyang sumunod sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay at social distancing.
Itoy kahit pa puspusan na ang ginagawang pagtuturok ng bakuna ng gobyerno.
Katwiran ng Senador maraming COVID-19 variants ang hindi basta-basta ma-detect na dahilan ng mabilis na pagkalat ng sakit pero maiiwasan ito kapag sumunod ang lahat sa itinatakdang health protocols.
Meanne Corvera