DOLE inaasahan na ang pagtaas ng unemployment rate
Inaasahan na umano ng Department of Labor and Employment ang pagtaas ng unemployment rate dahil sa epekto ng ipinatupad na mahigpit na community quarantine sa NCR plus bubble.
Matatandaang ang NCR plus bubble ay una ng isinailalim noong Marso hanggang Abril sa Enhanced Community
Quarantine habang Modified Enhance Community Quarantine naman hanggang noong Mayo 15.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakaapekto ito ng malaki sa mga negosyo dahil nabawasan ang mobility ng mga manggagawa.
Kaya naman inaasahan na aniya nila ang naging resulta ng ginawang April 2021 Labor Force Survey kung saan tumaas sa 8.7% ang unemployment rate sa bansa o katumbas ng 4.138 million na walang trabaho mula sa dating 7.1% o katumbas ng 3.441 million unemployed noong Marso.
Tumaas rin ang bilang ng underemployed na ngayon ay nasa 17.2% o katumbas ng 7.453 million mula sa 16.2% o 7.335 million noong Marso.
Umaasa naman si Bello na gaganda na ang kasalukuyang labor market condition ngayong sinimulan na rin ang pagbabakuna sa mga nasa A4 o economic workers.
Muli namang umapila ang kalihim sa mga manggagawa at negosyante na tiyaking nasusunod ang minimum public health standards sa mga lugar ng paggawa.
Tiniyak naman ni Bello ang patuloy na pakikipagtulungan ng DOLE sa iba pang ahensya ng gobyerno para sa ligtas na pagbubukas ng ekonimoya ng bansa.
Madz Moratillo