Face shield maaaring hindi na gamitin kapag nasa open spaces – DOH
Nilinaw ng Department of Health na pwedeng alisin ang face shield kung nasa labas o open spaces.
Paliwanag ni Health Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega, mas mababa ang transmission rate ng COVID- 19 sa mga open area.
Ang pahayag ni Vega ay taliwas sa mga naunang pahayag ng DOH na hinihikayat ang publiko na magsuot ng face mask at shield sa paglabas ng bahay.
Paglilinaw naman ni Health Usec Ma Rosario Vergeire, batay sa Joint Memorandum Circular patungkol sa Mandatory Use ng Face Shields, nakasaad na dapat itong isuot kapag nasa enclosed public spaces, mga eskwelahan, lugar ng paggawa, commercial establishments gaya ng mga mall, mga pampublikong transportasyon at terminal, places of worship o mga sambahan, at iba pang public spaces na hindi posible ang physical distancing.
Pero maaari umanong magpatupad ng mas mahigpit pang polisiya ang mga lokal na pamahalaan patungkol sa minimum public health standards bilang pag-iingat sa COVID 19.
Una rito, naglabas na rin ng paglilinaw ang DOH na hindi kailangan magsuot ng face shield ang mga nasa active sports gaya ng nagbibisikleta.
Ayon sa DOH ang pagsusuot ng face mask at shield ay nagbibigay ng mas mataas na proteksyon laban sa COVID 19.
Madz Moratillo