Malakanyang nanindigang dapat talagang unahin ang NCR plus sa anti COVID-19 vaccine
Naniniwala ang Malakanyang na makokontrol ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa kung unang mababakunahan ang mayorya ng mga naninirahan sa National Capital Region o NCR plus na kinabibilangan ng Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na malaking bilang ng populasyon ay umiikot sa NCR plus dahil dito nakasentro ang negosyo na bumubuhay sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Roque, batay sa pag-aaral ng mga health experts sa sandaling mabakunahan ang 40 percent ng mga nakatira sa NCR plus makukuha na ang tinatawag na population protection.
Inihayag ni Roque kapag nagkaroon na ng population protection laban sa COVID 19 ang NCR plus lalo pang-aangat ang ekonomiya dahil maaari ng magbukas ang ilan pang negosyo at makabalik na sa trabaho ang mga apektadong sektor.
Niliwanag ni Roque na unti-unti at dahan-dahan ang ginagawang pagluluwag sa quarantine protocol sa NCR plus dahil binabantayan din ng pamahalaan ang variant of concerned na Delta plus na mabilis na makahawa.
Sa ngayon nasa ilalim parin ng General Community Quarantine o GCQ with ristriction hanggang June 30 ang NCR plus.
Vic Somintac