Vaccine injury compensation package ng Philhealth epektibo na
Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth na epektibo na ang kanilang vaccine injury compensation package.
Pero paalala ni Philhealth Vice President for Corporate Affairs Shirley Domingo, ang mga nakaranas lamang ng serious adverse effects matapos mabakunahan kontra Covid-19 ang pwedeng magclaim.
Gaya ng kung ang pasyente ay naospital, nagkaron ng permanent disability o nasawi.
Sa ilalim ng nasabing programa, kung ang isang pasyente ay naospital dahil sa naranasang serious adverse effects dahil sa bakuna, sasagutin ng Philhealth ang hanggang 100 thousand pesos ng kanyang hospital bill on top ng Philhealth benefits at iba pang health benefits kung ang pasyente ay may private health insurance.
Kung nagkaroon naman ng permanent disability o nasawi ang isang indibiwal, sinabi ni Domingo na lumpsum na nagkakahalaga ng 100 libong piso ang ipagkakaloob sa benepisyaryo.
Kabilang naman sa mga pwedeng mag avail ng compensation package ay ang taong nabakunahan, primary beneficiaries nya gaya ng asawa o mga anak; at secondary beneficiaries tulad ng mga magulang.
Para naman makapagclaim, dapat ang claimant ay nakatanggap na ng kahit isang dose ng bakuna sa ilalim ng national vaccination program ng gobyerno, ang bakuna ay wala pang Certificate of Product Registration mula sa Food and Drug Administration, napatunayan sa assessment na ang naramdamang serious adverse effects ay dahil talaga sa bakuna at iba pang documentary requirements.
Ayon kay Domingo, retroactive ang programa na ito hanggat wala pang CPR ang bakuna.
Tatagal aniya ang programa na ito sa loob ng 5 taon o hanggang March 2,2026 o hanggang sa makumpleto ang COVID-19 vaccination program sa bansa.
Pero pwede naman aniya itong i-extend ng presidente, depende sa rekumendasyon ng advisory committee.
Madz Moratillo