Mga Senador, tutol na ipatigil ang Board exams
Hindi pabor ang mga Senador sa panukala ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ipatigil ang mga Board examination.
Ayon kay Senador Sonny Angara, mahalaga ang board exam para sa mga engineer, doktor at iba pang propesyonal para sa accountablity.
Ang anuman pagkakamali ng mga propesyonal na ito ay maaaring humantong sa pagkawala ng buhay at kalayaan.
Para kay Senador Sherwin Gatchalian na chairman ng Senate Committee on Education, kailangan ang board exam para matiyak na magagaling at kuwalipikado sa posisyon ang mga propesyonal.
Magiging sukatan rin aniya ito ng mga kolehiyo at unibersidad.
Babala naman ni Senador Francis Pangilinan, maaaring dumami ang mga hao shao na propesyonal bukod pa sa maaaring mauwi sa panganib ang buhay at kaligtasan ng publiko tulad na lamang ng mga pasyente ng mga doktor.
Meanne Corvera