SC inilabas na ang rules sa paggamit ng body cameras sa implementasyon ng warrants

Pinagtibay na ng Korte Suprema ang mga panuntunan sa paggamit ng body-worn cameras sa pagsisilbi ng mga warrants.

Sa resolusyon ng Supreme Court En Banc, sinabi na aplikable ang Rules on the Use of Body-Worn Cameras in the Execution of Warrants sa lahat ng aplikasyon, issuances at executions ng arrest at search warrants, at maging sa warrantless arrest.

Nakasaad sa Section 3 ng panuntunan na hindi maaaring isapubliko at limitado lang ang puwedeng makakita sa mga narekord sa body cameras o alternative recording devices.

Ito ay maliban na lang kung ang insidente sa recordings ay nagresulta sa pagkamatay o kaya ay inatake ang law enforcers sa panahon ng pag-aresto o search.

Alinsunod naman sa Section 5, para magamit na ebidensya ang mga recordings, dapat itong iprisinta sa paglilitis at i-authenticate ng taong kumuha ng recording.

Batay pa sa Section 6, kailangan ng consent ng taong inaresto o mga apektado ng search and seizures para magamit ang recordings sa court proceedings.

Pero, hindi na kailangan ng consent ng mga taong sangkot kung ang pangyayari sa recording ay nagresulta sa pagkawala ng buhay o kaya ay assault sa law enforcers.

Pinapayagan naman sa Section 10 ng rules ang pag-turn off sa body cameras o recording devices sa ilang sirkumstansiya sa oras ng arrest o search.

Ito ay gaya na lamang kung walang kaugnayan sa arrest o search ang usapan ng law enforcers at kung naka-break ang mga ito o nasa personal o non-work related activities.

Maaari ring patayin ang body cameras kung nasa loob ng restrooms, locker rooms at iba pang tulad na lugar maliban kung sakop ng search warrants.

Gayundin, sa panahon ng strip o body cavity search, pagsasagawa ng tactical planning, privileged communication, at iba pang sirkumstansiya na tutukuyin ng korte.

Magiging epektibo ang rules sa oras na ito ay mailathala sa Official Gazette o sa dalawang pahayagan na may national circulation.

Binuo ng Korte Suprema ang mga panuntunan kasunod ng mga dumaraming ulat at kinukuwestiyong pagkamatay ng mga sibilyan sa pagsisilbi ng warrants na inisyu ng mga hukuman.

Nakatanggap din ang SC ng mga sulat mula sa mga grupo ng mga abogado at human rights’ advocates na humihiling na rebyuhin nito ang proseso ng pagpapalabas ng warrants.

Moira Encina

Please follow and like us: