Maulap na papawirin, asahan sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Huwebes dahil sa epekto ng Habagat
Muling nagbalik ang pag-iral ng Southwest Monsoon o Habagat sa Kanlurang bahagi ng Timugang Luzon at Visayas ngayong Huwebes.
Ayon sa PAGASA, maaaring hanggang sa susunod na linggo pa iiral ang Habagat lalu na’t may binabantayang sama ng panahon na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa weather bureau, huling namataan ang low pressure area sa 1,600 kilometers Silangan ng Central Luzon pero mababa ang tsansa na ito ay maging isang bagyo sa susunod na 24 oras.
Gayunman, unti-unti itong lalapit ng PAR at papasok sa bahagi ng Timugang Luzon.
Bagamat hindi ito inaasahang magla-landfall, posibleng mag-enhance naman ito ng Habagat kaya asahan ang mga pag-ulan sa mga susunod na araw.
Ngayong Huwebes, asahan ang malaking tsansa ng mga pag-ulan sa Mindoro provinces at Palawan na may banta ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Habang sa nalalabing bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila ay asahan ang maulap na papawirin na may biglaang pag-ulan sa dakong hapon o gabi sanhi ng thunderstorms.
Tinatayang aabot ng hanggang 32 degree celsius ang temperatura sa Metro Manila at 35 degrees naman sa Tuguegarao, Cagayan.
Samantala sa Western Visayas at Mindanao ay mag posibilidad ng mga landslide at pagbaha dulot ng epekto ng Habagat.
Habang sa nalalabing bahagi naman ng Kabisayaan at Mindanao ay asahan ang mainit na temperatura lalu na sa Silangan ng Mindanao.
Walang nakataas na gale warning pero dahil nagbalik ang Habagat ay may tsansa na magiging maalon ang mga karagatan partikular sa Kanlurang bahagi ng Palawan at Sulu sea.