Aabot sa 200 mga atleta, sumailalim na sa dope testing sa Asian Games
Nasa pagitan ng 150 at 200 Asian Games athletes ang sumailalim na sa dope testing ayon sa Olympic Council of Asia (OCA) nitong Lunes, September 25, at wala pa namang nagpopositibo sa kanila.
Sa isang anti-doping press conference sa ikalawang araw ng Games sa Chinese city ng Hangzhou, sinabi ng OCA, “The dope-testing was gaining momentum at the event.”
Babala naman ni Mani Jegathesan, isang adviser sa OCA anti-doping committee, “Every athlete participating in these Games must understand that they could be picked at any time. That is the best step to ensuring we have a clean event and drug cheats would be rooted out.”
Aniya, sa ngayon ay aabot na sa 200 mga atleta ang nasuri, pero anomang positibong resulta ay aabutin ng ilang araw bago lumitaw.
Mayroong nasa 12,000 mga atleta sa 19th Asian Games, mas marami ang competitors kaysa sa Olympics, at aminado si Jegathesan na imposibleng lahat sila ay masuri.
Sa halip aniya, ay “magpa-prioritize” na lamang sila, at kabilang sa kanilang pipiliin ay yaong mga nakabasag ng world o Asian records.