Abangan ang paglipad ng Radyo Agila sa Amerika sa Oct. 31
Isa na namang bagong kabanata sa kasaysayan ng Radyo Agila ang maitatala sa darating na Oktubre 31, 2020.
Ito ang paglulunsad ng Radyo Agila Amerika, isang radio program na sasahimpapawid mula sa Silicon Valley sa California, USA patungo sa Radyo Agila DZEC 1062 khz sa Mega Manila sa pamamagitan ng Eagle news US correspondent na si Don Orozco.
Si Don Orozco ay naging bahagi ng Eagle Broadcasting Corporation simula pa noong 1999. Siya ay naging news anchor sa umaga kasama si Gen Subardiaga. Siya ay itinalaga ring Producer ng programang Best Friends Kontra Droga na umani ng maraming pagkilala mula sa mga sangay ng pamahalaan (Dangerous Drugs Board, Philippine Drug Enforcement Agency etc) at sa pribadong sektor (Philippine Chamber of Commerce and Industry at Philippine Exporters Confederation). Noong 2004 siya at ang kanyang pamilya ay nag-migrate sa Amerika para doon ay permanenteng manirahan.
Sa kabila ng kanyang pag-alis nanatili siya bilang isa sa mga orihinal na International Correspondents para sa DZEC Radyo Agila at sa himpilang Net25 TV. Siya ang nagbigay ng mga balita patungkol sa US Presidential Elections noong 2004.
Ang Radyo Agila Amerika ay tatalakay sa mga kalagayan ng ating mga kababayan sa Estados Unidos. Kasabay din nito ang paglulunsad ng kauna-unahang FM radio show na Function Hall Radio na isasahimpapawid sa FM station ng Eagle Broadcasting Corporation (EBC) ang PINAS FM 95.5.