Accomplishments ng Marcos administration ibinida sa unang 100 araw nito sa pwesto
Ang pagkakaroon ng isang functional government na may magagaling na opisyal ang isa sa ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang 100 araw sa pwesto.
Ilan sa ipinagmamalaki ng Pangulo ay ang kanyang economic team na kinabibilangan nina Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Secretary Amenah Pangandaman, Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla.
Nabatid na noong 2021, ang gross domestic product growth ng bansa ay nasa 5.7 percent habang sa unang bahagi ng taon ay umakyat ito sa 7.8 percent.
Nahigitan pa nito ng 6.5 to 7.5 percent target ng economic managers ng gobyerno.
Pangako ng Pangulo, pabababain ang inflation at palalakasin ang halaga ng piso.
Pagdating naman sa food sufficiency, tiniyak ni PBBM ang patuloy na suporta sa mga magsasaka at mangingisda.
Ipinagmalaki rin nito ang aniya ay produktibong pagbisita sa Indonesia, Singapore, at Estados Unidos.
Nasa $18.9 billion aniyang halaga ng investment commitments ang kanilang naiuwi na inaasahang makalilikha ng 134,285 na trabaho.
Ito ay sa mga sektor ng renewable energy, data centers, e-commerce, broadband technology, startups, government housing at agriculture.
Madelyn Villar – Moratillo