Acting Chief Justice Carpio, hinimok ang gobyerno na maghain ng panibagong kaso at humingi ng danyos sa China
Hinimok ni Acting Chief Justice Antonio Carpio ang Pilipinas na maghain ng panibagong kaso laban sa China at humingi ng danyos dahil sa ulat na nanguha ang mangingisdang Chinese ng mga giant clams at sinira ang coral reefs sa Scarborough Shoal.
Ayon kay Carpio, paglabag ito sa obligasyon ng China sa ilalim ng UNCLOS na protektahan at ipreserba ang Marine environment.
Iginiit ni Carpio na ang coral reefs ang breeding ground ng mga isda at kung wala ito ay walang isda sa Scarborough Shoal.
Anya batay sa Arbitral Tribunal ruling, tinukoy na ang Scarborough Shoal ang traditional fishing ground para sa Filipino, Chinese at Vietnamese fishermen.
Sinabi pa ni Carpio na inihayag na ng arbitral tribunal noong July 12,2016 na nilabag ng China ang obligasyon nito na pangalagaan ang marine environment nang hayaan ng Tsina ang kanilang mga mangingisda na kumuha ng giants clams at sirain ang coral reefs sa nasabing karagatan.
Pero hindi anya nagdemand ng damages noon ang Pilipinas kaya ngayon dapat ay humirit na ang bansa ng danyos mula sa China.
Ito ay bunsod aniya ng pagkawala ng ikabubuhay ng mga mangingisdang Pinoy at dahil sa pagpigil ng mga Chinese sa mga Pinoy na mangngisda sa lagoon ng Scarborough Shoal.
Ulat ni Moira Encina