AFP handang gampanan ang maiiwang trabaho ng PCG kasunod ng pagkasira ng 2 barko nito na binangga ng barko ng CCG sa Sabina Shoal
Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP), na punan ang trabaho ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS), kasunod nang pagkasira ng dalawang barko nito na binangga ng Chinese Coast Guard (CCG) sa Sabina Shoal.
Ayon kay Phil Navy Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, spokesperson para sa WPS, may sapat silang naval asset para gampanan ang trabaho ng coast guard partikular na ang pagdadala ng supply sa mga sundalo sa 8 features sa West Philippine Sea.
Matatandaang patungo sana sa Patag at Lawak Shoal ang dalawang barko ng PCG, nang banggain sila ng barko ng CCG.
Sa kabila nito, tumanggi ang Phil. Navy na idetalye kung ilang barko ang idaragdag nila sa deployment sa WPS.
Itinanggi naman ng AFP na magsisilbing bagong flashpoint o sentro ng tensiyon sa WPS ang Sabina Shoal.
Giit ni Adm. Trinidad, ang patuloy na ilegal na presensya ng mga barko ng China ang dahilan ng tensyon sa West Philippine Sea.
Gayunman tiwala ang AFP na hindi mauuwi sa mas malaking gulo ang sitwasyon sa WPS.
Ang taktika daw ng Chinese Communist Party ay ang manalo sa giyera na walang pinapuputok na anumang armas.
Ang misyon daw ng China ay sakupin at mapasailalim sa kanilang kontrol ang buong South China Sea, kasama na ang West Philippine Sea.
Sa pinakahuling monitoring ng AFP, nakita nilang naragdagan pa ang bilang ng mga barko ng China sa WPS.
Mula sa 92 na barko noong nakaraang linggo, umaabot na ngayon sa 129 na barko ng China ang naka angkla sa WPS, kung saan 18 dito ay Chinese Coast Guard Vessels, 13 ang People’s Liberation Army Vessels at 98 ang Chinese Maritime Militia Vessels.
Mar Gabriel