AFP, nanindigang hindi sila ang dahilan ng pagkakaantala ng Usapang Pangkapayapaan

                                            photo credit: pageone.ph

Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang naging pahayag ni Communist Party of the Philippines o CPP founding chairman Joma Sison na may plano silang malawakang opensiba laban sa mga makakaliwang grupo kaya ipinagpaliban ang usapang pangkapayapaan.

Sa panayam kay Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng AFP, wala silang pinaplano  na all-out war na naging dahilan ng pagkaka-antala ng peace talks.

Paliwanag ng opisyal, nakapokus aniya sila ngayon sa mga military operations at pagprotekta sa mga kanayunan at komunidad alinsunod sa kanilang mandato.

Binigyang-diin ni Arevalo na pananakot lamang ang ginagawa ng mga komunista at nilalason lamang ang utak ng publiko.

“Alam ng ating mga kababayan na kung meron mang tayong presence sa mga komunidad ay ito ay bahagi ng tinutupad nating tungkulin at ang iba dyan ay ayon sa request ng ating mga Local government officials o mga Barangay officials even some are covered with barangay municipal resolutions pagkat lalung lalo na sa mga eskwelahan at mga liblib na lugar na kung mawawala ang military dyan ay hindi na papasok ang mga guro at ang pag-aaral ng mga bata ay apektado”.

Muling iginiit ni Arevalo na kung mayroon mang grupo na naghahangad ng pangmatagalang kapayapaan ay walang iba kundi ang mga sundalo dahil sila ang unang naaapektuhan.

Kung meron mang higit na nasasaktan, kung meron mang higit na apektado ay mismong ang ating mga sundalo. Kaya nga gusto ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay  makamtan na natin ang pangmatagalang kapayapaan upang patuloy na nating magawa ang mga dapat nating gawin, umunlad na ang ating mga pamayanan at umusad na sa iba pang misyon”.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *