AFP at PNP magkatuwang na sa pagmomonitor ng social media accounts ng mga terorista
Nakikipagtulungan na ang PNP Anti-cyber Crime Group sa AFP sa pagmomonitor sa mga social media account na ginagamit ng Maute-ISIS terorist group.
Sa harap na rin ito ng patuloy na paglabas sa social media ng propaganda ng mga terorista.
Ayon kay PSSupt. Michael Angelo Zuniga ng PNP ACG, lahat ng impormasyon na kanilang nakakalap ay agad nilang ibinibigay sa AFP.
Sinusuyod na rin ng PNP ACG ang website at social media accounts ng mga organisasyon na kumakalap ng donasyon para sa mga biktima ng krisis sa Marawi.
Bagaman wala pa naman silang natatanggap na reklamo ukol dito, paraan nila ito para matiyak na lehitimo ang ginagawang fund raising ng iba’t-ibang organisasyon.
Paalala ng ACG sa publiko, tiyakin muna na lehitimo ang website ng mga organisasyon na nanghihingi ng tulong para masiguro na sa mga biktima ito mapupunta at hindi sa bulsa ng mga mapagsamantala.