Agri sector nakabawi na sa epekto ng COVID-19
Nakabangon na ang sektor ng agrikultura mula sa epekto ng pandemya ng COVID-19.
Ito ang inihayag ni Department of Agriculture (DA) Asst. Secretary for Operations U-Nichols Manalo sa Kapihan sa Bagong Pilipinas forum sa National Food Authority (NFA).
Ayon kay Manalo, lumago ng 1.2 percent ang agri sector noong nakalipas na taon at nakabalik na sa pre-pandemic level.
Aniya, ang positive performance ng agri sector noong nakaraang taon ay mula sa palay output kung saan pumalo sa record high na 20.06 million metric tons ang ani ng mga lokal na magsasaka.
Nilinaw din ni Manalo na bagama’t tinamaan ng El Nino phenomenon ang 13 rehiyon sa bansa, ay nagawa pa rin ng sektor ng agrikultura na lumago ang ani sa unang dalawang kwarter ng taong kasalukuyan.
Sinabi nito na ngayong taon ay palalakasin ng DA ang kanilang action plan sa iba’t ibang agricultural products, partikular sa bigas, mais, isda, livestock, at high value crops sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga agricultural infrastructure na kinabibilangan ng irrigation system, farm-to-market roads at at cold storages.
Target din ng DA na pagandahin ang logistics para mapalakas ang market access sa mga localy produced agricultural products, upang matupad ang hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na magkaroon ng food security ang bansa.
Vic Somintac