Air pollution iniuugnay sa 15 porsyento ng namamatay sa coronavirus
Maaaring may kinalaman ang matagal na pagkakalantad sa air pollution, sa 15-porsyento ng Covid-19 deaths sa buong mundo.
Batay ito sa isang nalathalang pananaliksik, na kinatatampukan ng mga banta ng panganib na dulot ng greenhouse gas emissions.
Lumitaw sa mga naunang pananaliksik, na ang air pollution mula sa usok na galing sa mga tambutso ay naging sanhi upang mabawasan ng dalawang taon ang buhay ng bawat lalaki, babae at bata sa mundo.
Ayon sa mga eksperto mula sa Germany at Cyprus, tinantya nila ang proposyon ng pagkamatay dahil sa COVID-19 na maaaring iugnay sa malalang epekto ng polusyon sa hangin.
Ang pag-aaral na nalathala sa Cardiovascular Research journal, ay kumuha ng health and disease data mula sa US at China na may kaugnayan sa air pollution, COVID-19 at SARS – isang malubhang sakit sa baga na katulad ng COVID.
Isinama nila ito sa satellite data ng global exposure sa particulate matter, microscopic particles at ground-based pollution monitoring networks, upang makalkula kung gaano kalawak ang maaaring naging partisipasyon ng polusyon sa hangin sa pagkamatay ng mga pasyenteng may COVID-19.
Sa silangang Asya, na kinaroroonan ng ilang lugar na may pinakamataas na lebel ng mapanganib na polusyon sa mundo, natuklasan ng mga may akda ng pag-aaral, na 27 porsyento ng namatay sa COVID-19 ay maiiugnay sa epekto sa kalusugan ng hindi magandang kalidad ng hangin.
Sa Europa, ang proporsyon ay 19 porsyento, kumpara sa 17 porsyento ng Hilagang America.
Partikular na tinukoy ng grupo, na lumilitaw na ang particulate matter ay nagpapataas sa aktibidad ng isang receptor sa lung cell surfaces, ang ACE-2, na siyang may kinalaman sa kung paano nahawa ng COVID-19 ang isang pasyente.
Ayon kay Thomas Munzel, isang propesor sa University Medical Center ng Johannes Gutenberg University sa Mainz, sinisira ng air pollution ang baga at pinatataas ang aktibidad ng ACE-2, na siyang sanhi upang tumaas ang tyansa na kapitan ito ng virus.
Sinabi naman ni Jos Lelieveld ng Max Planck Institute for Chemistry, na iminumungkahi ng pag-aaral na ang pollution particles ay isa sa sanhi ng paglala ng sakit.
Ang kanilang pagtaya ay nagpapahiwatig na ang higit 6,100 pagkamatay dahil sa COVID-19 ay maipalalagay na sanhi ng polusyon sa hangin. Sa US, ang naturang bilang ay nasa 40,000.
Ayon sa mga may akda ng pananaliksik, kung walang mahalagang pagbabagong gagawin ang mga bansa, kabilang na ang paglipat sa renewable at mas malinis na pagkukunan ng enerhiya, ang polusyon sa hangin ay patuloy na kikitil sa buhay ng maraming tao, kahit matapos na ang pandemya.
Dagdag pa ng grupo, ang COVID-19 pandemic ay maaaring matapos sa pamamagitan ng pagbabakuna o kapag nagkaroon na ng herd immunity, subalit walang bakuna laban sa hindi magandang kalidad ng hangin at climate change. Ang remedyo anila ay bawasan ang emisyon ng polusyon sa hangin.
© Agence France-Presse