Aktibidad sa mga paaralang naapektuhan ng lindol, suspendido
Suspendido muna ang enrollment at lahat ng aktibidad sa mga eskwelahan na naapektuhan ng lindol.
Ito’y habang ina-assess pa ng Deped ang lawak ng pinsala ng lindol sa mga paaralan.
Ayon kay Education Spokesman Michael Poa, inaalam na ng Department of Education ang epekto ng lindol at ilang eskwelahan ang nasira.
Sa pauna aniyang impormasyon ng Deped, may mga paaralan nang nagkaroon ng bitak at ilang sira sa Abra at Vigan pero wala pang iniulat na nasugatan sa mga staff, guro at mga estudyante.
Sinabi ni Poa na may kautusan na si Deped Secretary Sara Duterte para maghanap ng savings para mapaglaanan ng pondo ang mga eskwelahang nasira ng lindol at mga nagdaang bagyo.
Target ng Deped na makakuha ng mahigit 28.6 milyong mga estudyante para School year 2022- 2023 na magsisimula na sa August 22.
Sa Makati city, sinuspinde na rin ang Remedial classes matapos maramdaman ang lindol.
Ang mga estudyante ay pinalabas sa mga classroom dahil sa lakas ng pagyanig.
Pansamantala silang inilikas sa isang open ground suot ang kanilang mga hard hat na bahagi ng ibinigay na emergency go bags ng Makati city government para i promote ang disaster preparedness.
Ipinag-utos na rin ni Makati Mayor Abby Binay ang structural integrity ng kanilang mga school building.
Meanne Corvera